BALAGTASAN: “WIKANG FILIPINO TUNGO SA GLOBALISASYON”

ni: Kyle Laluces

Ang Wikang Filipino ay walang katulad,
natatangi sa lahat ng wika sa mundo,
wikang ipinaglaban ng mga bayani't makata,
at sagisag natin bilang Pilipino.

Ngunit ang ating mundo'y nagbabago,
patuloy na umuunlad at umaasenso.
Kaya't sa pagsulong ba ng ating daigdig,
ang Wikang Filipino pa rin ba ang mananaig?

“Oo!” “Hindi!”
“OO!” “HINDI!”
Bakit oo? Bakit hindi?
Ating alamin, at tayo'y magsuri.

Maraming bagong salita ang ating nang bukambibig
at kung isalin pa'y mahirap hanapan ng kapalit.
Nariyan ang computer, laptop, at cellphone.
Subukan mo ngang isalin sa Filipino iyon?

Kung ano ang basa ang siya ring bigkas,
at kung ano naman ang bigkas ang siya ring sulat.
Kung di man mahanapan ng salitang kabagay,
pwede namang idaan sa pagbabaybay.

Ang lumang abakada nama'y napalitan na
at ito’y naging ortograpiya.
Pinapadali nito ang pagbabaybay ng salita
lalo't higit ang mga salitang banyaga.

Ang ating abakada'y nabahiran na
ng titik ng mga banyaga.
Tinalikdan na nang tuluyan ang makalumang paraan
at nagparaya nang lubusan sa makabagong hakbang.

Nadaragdagan ang mga salita sa talatinginan
habang nahuhuli ang mga mag-aaral sa silid-aralan.
Papayag bang maiwan sa ere ang Pilipino
kapag nakikipag-usap sa mga taga-ibayong dako?

Nababawasan ang halaga ng Wikang Filipino
pati ang paggamit at pag-aaral nito.
Papayag bang malimutan ng mga mamamayan
ang kanilang salinlahi at kasarinlan?

Ang ating mundo ay patuloy sa pagbabago,
patuloy sa pag-unlad at pag-asenso.
ngunit wag nating talikdan ni kalimutan
ang Wikang Filipino na ating kinagisnan.

Pagkat ang Wikang Filipino, at lahat ng wika sa mundo
ay biyaya't kaloob ng ating Panginoon.
Ito'y bigay sa atin upang ating pahalagahan,
upang gamitin ng wasto at pangalagaan.

I-Rate ang aming site...