Pinoy Abroad

Ni: Carlo Estole

Napaisip ako. Bakit ang mga Pinoy eh sobrang galing at madaling matuto ng iba't-ibang languages. Karamihan sa mga OFW’s natin sa ibang bansa, sobrang daling matuto at maging fluent sa mga banyagang wika. Sa pagsasalita ng English eh mas matino tayo kumpara sa ibang mga bansa sa Asia. Sorry na lang sa mga Koreans o Japanese kasi mas matino tayo magsalita nun kaya Call Center Agent ang isang patok na trabaho dito sa ating bansa.

Pero bakit nga ba?
Una, dahil ba siguro tatlong dayuhan na ang sumakop sa atin at tatlong lingwahe rin ang ating natutuhan? Tipong nasanay na tayo sa pabago-bagong mga lingwahe?
O dahil ba sa likas na talaga sa mga Pinoy ang pagkakaroon ng sobrang lambot na dila. I mean, na kayang makapagsalita ng iba't-iba. Kasi kung susuriin eh maraming diyalekto sa ating bansa. Mapunta ka lang sa kabilang bundok ng probinsya eh iba na ang paraan o punto ng pagsasalita.

Pero kahit anuman ang maging dahilan nito, masaya pa rin ako dahil madali tayong matuto ng ibang wika. Pero hindi sa binababa ko ang sariling wika natin. Mahal ko ang Tagalog. Nakatutuwang isipin lang talaga na kayang makipag-usap ng mga Pinoy sa abroad ng matino sa mga tao roon. Siguro para na rin ito sa mga OFW’s natin na hindi mahihirapang magtrabaho sa ibang bansa dahil alam na kung paano magsalita ng dayuhang wika.

Pero higit sa lahat, gusto kong isipin na sa ating pinakamamahal na bansa, sa Perlas ng Silanganan, nagmumula ang mga taong nagbabahagi ng salita ng mga Pinoy hindi lamang sa Asya kundi sa buong mundo. Marami na tayong natutunan sa mga banyaga kaya’t siguro dapat tayo naman ang makibahagi ng ating mayaman na kultura sa pamamagitan ng wikang kinasanayan natin.

Kahit ilang kontinente pa ang layo ng mga kapatid nating Pilipino ay tila naka tatak na talaga sa puso nila ang wika natin. Sa mga simpleng salita siguro katulad ng “salamat” o “kamusta” ay unti-unti na ring nararamdaman ng mga banyaga ang pag-uugaling pinoy at yun ay ang pagiging palakaibigan at masiyahin. Talagang kakaiba tayo, tunay na “Smiling People” talaga dapat ang tawag sa atin. Importante talaga na dapat nating tandaan kung saan ang ating pinanggalingan at kung ano ang magandang naidulot nito sa ating pagkatao. Yan ang tunay na Pilipino.

I-Rate ang aming site...