Binhing isinaboy ng Diyos sa sanlibutan,
binuhay at inalagaan ng maykapal
Iyan tayo na ngayon ay naninirahan
sa mundong di pag- aari ng kahit sino pa man
Pagkakatao'y ibinigay upang malanghap ang sariwang hangin
o kaya'y maging hangin na yayakap sa mga mahal natin
ito ang dapat nating maging adhikain
upang pagsisi ay hindi mapukaw sa damdamin
pluma ay sinulat ang ating kapalaran
ngunit di pa tiyak ang patutunguhan
sa langit o impyerno ay hindi pa alam
paggawa ng mabuti at masama ang siyang sagot sa katanungan
puno'y binubulungan ang mga damo sa sandaigdigan
minsa'y inaapakan ng mga ibon buhat sa kalangitan
sila ang nagpapaganda ng mundo natin
pati hangin ay inalagaan upang hindi magrimarim
ngayon pa lang ay dapat ng magdesisyon
pagpili sa mabuti ang dapat na solusyon
masama ay dapat maiwanan na ng panahon
ibaon sa limot at tapakan na roon
bawat tao ay may kanya-kanyang kapalaran mandin
magaganap ang magaganap at dapat itong tanggapin
kapangyarihang baguhin ito ay hindi ibinigay sa atin
upang sa Diyos ay manatiling nakatingin
mabilis ang pag-ikot ng kamay ng orasan
tao'y nararapat na gawin ang mga tungkuling laan
'pagkat di na mabubura ang nangyari sa nakaraan
paiyakin man ang langit ay di na masosolusyunan
paghahanda sa kinabukasan ay di dapat tuldukan
patuloy na bigyan ang dulo ng mga puwang
upang kung anuman ang mangyari'y di maging masakit sa damdamin
puso'y maging handa at ang pagkatao na rin.
-Maria Estrella Danga