Pagpapakahulugan sa Pangalan ng Pahayagan

Ang “Periodico Sin Nombre”, isang parirala sa wikang Espanyol, ay nangangahulugang,”Pahayagang Walang Pangalan.”

Periodico Sin Nombre ( Pahayagang Walang Pangalan ), kakaiba. Hindi ba? Siguro ngayon ay nahihiwagaan kayo kung bakit ito ang ipinangalan namin sa aming pahayagan. Ako man ay nagulat at napaisip noong una. Tila mababaw at walang katuturan ngunit kung inyong iintindihin ay malalaman niyo na makabuluhan rin ang simpleng pariralang ito.

Hayaan niyong ilahad ko sa inyo ang mensahe ng “Periodico Sin Nombre.”

Ang Periodico Sin Nombre ay nakasalin sa wikang Espanyol, sa wika ng mga tao na minsan ay sumakop at umapi sa mga Pilipino. Magkagayon man ay napagkasunduan parin naming isalin ang pangalan ng pahayagan sa wika ng mga Kastila bilang pasasalamat sa kanila. Oo, pasasalamat. Pasasalamat dahil ang pang-aapi nila sa mga Pilipino ay naging daan upang yumaman ang literatura sa Pilipinas. Ito ay nagbigay daan upang magamit at malinang ng mga Pilipino ang kakayahan at husay nila sa pagsulat. Ang Noli Me Tangere, El Filibusterismo at La Solidaridad, ilan sa mga obra na naisulat noong panahon ng kolonisasyon, ay maituturing na yaman ng Pilipinas na magpapatunay sa kakayahan ng Pilipino na lumaban sa pamamagitan ng pagsulat. Dahil sa pagsulat ay nayanig ang mga Kastila at dahil sa pagsulat ay namulat ang mga mata ng Pilipino.

Masasabi natin na ang kolonisasyon ay nagdulot ng pagdurusa sa mga Pilipino, ngunit sa kabilang dako, ito rin ang dahilan kung bakit mayaman ang kultura ng ating bansa.

“Pahayagang Walang Pangalan” sa Filipino. “Walang pangalan” dahil unang una, wala pa kaming napapatunayan sa larangan ng pagsulat. Kami ay mga baguhan pa lamang. Wala kaming dapat ipagmayabang, ngunit sisguraduhin naming na magkagayon man ay mayroon rin kaming maipagmamalaki. Pangalawa, “walang pangalan” dahil naniniwala kami na ang sukatan ng kagandahan o tagumpay ng isang pahayagan ay hindi ang titulo o pamagat kundi ay nasa nilalaman at mensahe ng mga nakasulat dito. Mayroon kaugalian ang ibang mambabasa na hinuhusgahan nila ang pahayagan ayon sa titulo nito. Naniniwala ang iba na kung maganda ang pamagat ay maganda ang nilalaman at kung hindi kaaya-aya ang pamagat ay hindi makabuluhan ang nilalaman. Ngunit hindi sa lahat ng oras ay ganoon ang nangyayari kaya kailangan nilang bigyan ng pantay na pagakakataon ang bawat artikulo na mabasa at magawa ang layunin – ang maihatid ang mensahe ng may akda sa mga mambabasa.

Ang titulo, kung inyong mapapansin ay nakasulat sa paraang Alibata. Ito ay pagbibigay-importansya sa mayaman na kultura ng Pilipinas. Ito ang nagsisilbing paalala sa lahat na ang Pilipinas ay may sariling kasaysayan at kultura bago pa man narating ni Magellan ang Pilipinas.

Ang pagsasalin sa wikang Espanyol, ang paglagay ng pariralang “walang pangalan”, at ang pagsulat sa paraang Alibata ay hindi ginawa upang maging maganda o maging kaakit-akit ang aming pahayagan. Hindi lang ito basta-basta. Ito ay aming pinag-isipan upang maihatid ang tunay nitong nilalaman.

Ngayon ay alam niyo na ang kahulugan ng nasabing titulo. Sana ay matagumpay kong naihatid sa inyo ang mensahe ng “Periodico Sin Nombre.”

I-Rate ang aming site...